Join the Second Gawad Edgar Jopson


GAWAD EDGAR JOPSON

Pagkilala sa Natatanging Konseho ng mga Mag-aaral

National Union of Students of the Philippines


Ipinangalan ang gawad na ito kay Edgar Jopson o Edjop, mahusay na lider-estudyante noong dekada 70 at naging tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP). Una siyang nakilala bilang tagapangulo ng Sanggunian ng Mag-aaral ng Ateneo de Manila University. Kalaunan, nakita si Edjop kasama ang malawak na bilang ng mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang pamantasan sa magiting na paglaban sa mapanupil na Batas Militar. Hindi naging hadlang ang matinding pampulitikang paniniil upang manindigan si Edjop para sa pagbabagong panlipunan para sa malawak na mamamayan. Bagamat mula sa maalwang pamilya, mapangahas na hinarap ni Edjop ang hamon ng kanyang panahon – inialay niya ang kanyang talino, panahon at sigla ng kanyang kabataan para sa kapakanan ng nakararami. Siya ay binawian ng buhay na tangan ang tunay na kahulugan ng paglilingkod sa bayan.

Nananatili sa bawat lider-estudyante ang diwa at mga aral na iniwan ni Edjop. Sa kasalukuyan, ang mga sanggunian ng mga mag-aaral ang nagsisilbing tagapamandila ng mga demokratikong karapatan at interes di lang mga mag-aaral kundi ng mga aping sektor sa lipunan. Masasaksihan natin ngayon ang pagsusumikap ng mga sangguniang ito na maglaan ng serbisyo at pangangailangan ng kapwa nilang mag-aaral habang patuloy na nag-aambag sa mayamang kasaysayan ng kilusang kabataan. Tangan ang paninindigan at pagkilos – mula sa pagtutol sa di-makatarungang pagtaas ng matrikula at panunupil sa kampus, sa paggigiit ng karapatan sa edukasyon at kabuhayan ng kabataan at mamamayan, hanggang sa pagkakamit ng tunay na pagbabagong panlipunan – ang mga sanggunian ng mag-aaral ay isa sa mga natatanging halimbawa ng pamumuno at paglilingkod sa maningning na panahon ng kabataan.

Bilang pagkilala sa kanilang kolektibong pamumuno, binuo ang Gawad Edgar Jopson. Ito ay pagkilalang igagawad sa natatanging Sanggunian ng mga Mag-aaral na tapat na naglilingkod sa kapakanan ng estudyante at mamamayan. Ang mga katatangi-tanging sangguniang ito ay nagsisilbing mabuting halimbawa sa bawat estudyanteng Pilipino na manindigan para sa kanilang kolektibong interes at kagalingan.

Sino ang maaaring lumahok sa Gawad Edgar Jopson?

Ang Gawad Edgar Jopson ay bukas sa lahat ng mga sanggunian ng mga mag-aaral na:

  • nagsasabuhay ng diwang iniwan ni Edgar Jopson sa pagiging tunay na maka-estudyante at makabayan.
  • kolektibong namumuno sa pagkamit ng mga tagumpay para sa kagalingan ng mga mag-aaral
  • matagumpay na nakapaglunsad ng mga aktibidad na kapakipakinabang sa mga mag-aaral.

Criteria

Masinsin na pagplano – 20%

Kolektibong pagpapatupad ng buong plano – 20%

Pakikipag-ugnayan sa mga sektor pangkampus – 20%

Pagkamalikhain – 20%

Masaklaw na pamumuno sa mga estudyante – 20%

Paano sumali?

Isumite sa inyong rehiyonal o probinsyal na tsapter o sa pambansang opisina ng NUSP ang inyong naratibong report kalakip ang mga larawan o mga pagpapatunay ng inyong ulat. Maaaring isumite ang inyong ulat sa nusp_national@yahoo.com o kaya’y ipadala sa sumusunod na address: National Union of Students of the Philippines, C/o Office of the Student Regent, Vinzon’s Building, UP Diliman, Quezon City. Para sa katanungan, mangyaring maki-ugnay lamang kay Alvin sa numerong 0906-2458411 o 0920-6209362.

Ang pagpili ng mananalo ay pagpupulungan ng Pambansang Konseho ng NUSP na binubuo ng mga lider mula sa iba’t-ibang tsapter sa buong bansa.

--Ang paggawad sa natatanging Sanggunian ng mga mag-aaral ay gaganapin sa Pambansang Kumbensyon ng Mag-aaral

(National Students Convention) ng NUSP

(Enero 12-16, 2007) sa San Juan City, Metro Manila.

No comments: