Salubungin ang Kabataan Party

Angel L. Tesorero

(Reposted from Pinoy Weekly, pinoyweekly.org)

Tiyak, marami na namang pulitiko ang manliligaw sa kabataan ngayong halalan. Mangangako sila, na kapag nahalal, isusulong nila ang interes ng "pag-asa ng bayan." Ngunit pagkatapos ng eleksiyon, gaya ng mga nagdaang halalan, mapapako ang lahat.

Hindi tuloy masisi ang karamihan sa kabataan, sakaling mawalan na sila ng gana na lumahok pa sa anumang eleksiyon. Pare-pareho lang anila ang nauupo sa puwesto, wala nang pag-asang mapalitan ang bulok na sistema ng gobyerno. Bagaman higit sa 50% ng mga rehistradong botante ang nasa sektor ng kabataan, mahirap na hamon ang pagbuklurin at pakilusin sila bilang nagkakaisang puwersa - bagay na siyang haharapin ng Kabataan Party ngayong darating na halalan.

Sasabak muli

Kahit maraming kabataan ang hindi na umaasang mababago ang lumang sistema, may tugon ang Kabataan Party: Pulitika ng Pag-asa, Pakikibaka at Pagbabago. Ito ang ibinungad sa PINOY WEEKLY ni Raymond Palatino, tagapangulo ng partido, kilalang lider-estudyante at dating tagapangulo ng Konseho ng mga Mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas at presidente ng NUSP (National Union of Students in the Philippines).

Ito ang ikalawang pagkakataong sasabak sa halalan ang Kabataan Party, na kilala noon sa pangalang Anak ng Bayan Youth Party-list. Lumahok ito noong halalang 2004, at nakalikom ng halos 216,000 boto - kulang na lang ng halos 35,000 boto para makuha ang isang puwesto sa Kongreso.

Edukasyon at trabaho para sa mga kabataan ang pangunahing platapormang dala-dala ng Kabataan Party. Ayon kay Palatino, isusulong ng kanilang partido ang batayang karapatan ng kabataan para sa edukasyon sa pamamagitan ng paggigiit ng dagdag na pondo sa edukasyon at kagyat na pagpapatigil sa tumitinding komersiyalisasyon ng edukasyon.

Ipaglalaban din ng partido na mabigyan ang mga kabataan at mga mamamayan ng disenteng empleyo, pantay na oportunidad at makataong kondisyon ng pamumuhay. Ang mga ito ang tugon sa sitwasyong nagtutulak sa kabataan para mangibang-bansa, gaano man ang panganib.

Bagaman may iba pang partido ng kabataan na lalahok sa halalan, pinakamalaki at pinakamalawak na partidong angkabataan ang Kabataan Party. Mayroon itong mga sangay sa iba't ibang pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa. Malawak ang kasapian nito sa mga komunidad sa kanayunan at kalunsuran. Nakarekluta na ng mahigit 100,000 volunteers ang Kabataan Party na magsisilbing makinarya nito ngayong eleksiyon.

Kampanya ng Kabataan Party

Kapos man sa pinansiya, malawak naman ang network na sumusuporta sa Kabataan Party. Binubuo ito ng NUSP, alyansa ng mga konseho ng mga mag-aaral; CEGP (College Editors Guild of the Philippines), pambansang samahan ng mga pahayagang pangkampus na itinatag noon pang 1931; Anakbayan, komprehensibong organisasyon ng mga kabataan na kinabibilangan ng mga batang propesyunal, estudyante at mga kabataan sa komunidad; LFS (League of Filipino Students), organisasyon ng mga estudyante na aktibong kasapi sa Asian Students' Association at International Union of Students; at SCMP (Student Christian Movement of the Philippines) , relihiyosong organisasyon ng mga estudyante sa mga paaralan.

Simple lang ang pangangampanyang gagawin ng Kabataan Party, hindi magarbo, maaaring walang naglalakihang streamer at poster at komersiyal sa radyo, telebisyon at diyaryo. (Hamon nga ng Kabataan Party sa mga tradisyunal na pulitiko na ipambili na lang ng pagkain para sa mga nagugutom ang kanilang gagastusin sa kampanya.) Subalit tinitiyak ng Kabataan Party na aabot hanggang sa pinakasulok na mga komunidad ang kanilang pangangampanya.

Noong nakaraang halalan, nakatoka sa iba't ibang komunidad at barangay ang mga campaign team ng Anak ng Bayan Youth Party-list. Kumatok sila sa bahay-bahay at nakipagtalakayan sa pami-pamilya. Dahil epektibo, muli itong gagawin ng Kabataan Party.

Gagamitin din ng Kabataan Party ang makabagong teknolohiya pang mas malawak pang maipalaganap ang kanilang programa. Papasukin nila ang cyberspace o internet. Pagaganahin nila ang mga Txt Brigade. (Texting ang isang naging susi sa pagpapakilos ng kabataan noong Edsa Dos.) Uugnay rin sila sa mga Sangguniang Kabataan upang magdaos ng pulong-talakayan sa mga komunidad.

Magbubuo ang Kabataan Party ng mga anti-fraud at poll watch team upang bantayan ang pandaraya at karahasan. Handa ring makipag-usap ang Kabataan Party sa mga pulitikong maninindigan para sa kapakanan ng kanilang sektor. Tahasan nilang lalayuan ang mga pulitikong naging instrumento sa panunupil sa kabataan at mga mamamayan.

Pag-asa at kinabukasan

Nangangamba si Palatino na magiging madugo ang darating na halalan. Noong nakaraang eleksiyon, isang buwang ikinulong nang walang kaso ang ikalimang nominado ng Anak ng Bayan na si Ronald Ian Evidente sa Negros. Ilang lider-kabataan na rin ang napaslang at dinukot sa ilalim ng administrasyong Arroyo dahil kabilang sila sa mga militante at progresibong kritikal sa gobyerno.

Gayunpaman, bukas at handa ang Kabataan Party sa pag-aalay ng talino, lakas at kung anupaman ang kinakailangan para sa pangmatagalang pagbabago ng lipunan. Tungo rito, tinatanggap ng Kabataan Party ang hamon sa pagsusulong, pagtatanggol at pagpapaunlad sa interes ng kabataan - na ang hantungan ay ang pagkakamit ng demokratiko, masagana at mapayapang lipunan.

Ang paglulunsad ng paglahok ng Kabataan Party sa halalang 2007 ay gaganapin sa pambansang kumbensiyon nito sa Enero 19 sa San Juan Gymnasium. Ang tema ay nagbibigkis sa iba't ibang amdamin at pag-iisip ng sektor: "Kabataan, Tayo ang Pag-asa at Kinabukasan!"

No comments: